Dalawang Opol cops, agad sumaklolo sa isang pasahero na nahulog sa motor sa Misamis Oriental

0
44

Agad na sinaklolohan ng dalawang pulis na nakadestino sa Opol Municipal Police Station ang isang lalaki na naiulat na nawalan ng malay kaya nahulog sa motor na sinasakyan sa Zone 7, Tuburan, Brgy. Poblacion, Opol, Misamis Oriental, dakong 4:20 ng hapon noong Nobyembre 2, 2026.

Kinilala ni PBGen Nestor C Babagay Jr., Regional Director ng Police Regional Office 10, ang dalawang pulis na walang pag-aalinlangang sumaklolo na sina PMSg Karlo Fernando C. Quililan at Patrolman Reil O. Ebuña, Warrant Server PNCO ng naturang istasyon.

Nabatid na nagsasagawa ng foot patrol sa lugar nang mapansin ang tatlong lalaki sa kabilang bahagi ng kalsada. Isa sa mga ito ang tila umaalalay sa isa pang lalaking nakahandusay sa lupa.

Nang mapansin ang kalagayan ng biktima, agad na nilapitan ito ng mga pulis at binigyan ng paunang tulong medikal. Agad na nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) ang isa sa kanila, habang ang isa naman ay tumawag sa emergency hotline ng Opol upang humingi ng ambulansya at magbantay sa lugar upang maiwasang masagasaan ng mga dumaraang sasakyan ang biktima.

Ayon sa kasama ng biktima na drayber ng motorsiklo, bigla umanong nakaranas ng matinding sama ng pakiramdam ang biktima habang magkasama silang bumibiyahe, dahilan upang mahulog ito mula sa motorsiklo. Iniulat na nakaranas ang biktima ng pangingisay, hindi sinasadyang pag-ihi, at pagsusuka.

Dahil sa agarang pagresponde ng mga pulis, nagkamalay muli ang biktima at nagpakita ng mga palatandaan ng pagbuti ng kanyang kalagayan. Nanatili ang mga pulis sa lugar hanggang matiyak na tumutugon na ang biktima at paparating na ang ambulansya. Ilang sandali pa ay dumating ang ambulansya upang magbigay ng karagdagang atensiyong medikal.

Pinuri ni PBGen Babagay, ang dalawang pulis dahil sa kanilang mabilis na pagresponde at malasakit sa kapwa. Binigyang-diin niya na ang serbisyo ng kapulisan ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas.

“Our duty does not end with enforcing the law or pursuing wanted persons. We are here to protect lives and help anyone in need. I commend these personnel for their quick action and presence of mind in providing immediate assistance to the victim. Their actions reflect the kind of service we want our people to experience: responsive, compassionate, and always ready to help” (Hindi nagtatapos ang aming tungkulin sa pagpapatupad ng batas o paghahanap sa mga wanted person. Nandito kami upang pangalagaan ang buhay at tumulong sa sinumang nangangailangan. Pinupuri ko ang mga tauhang ito dahil sa kanilang mabilis na pagkilos at kahandaan sa agarang pagbibigay ng tulong sa biktima. Sumasalamin ang kanilang ginawa sa uri ng serbisyong nais naming maranasan ng ating mga mamamayan: mabilis tumugon, may malasakit, at laging handang tumulong), mensahe ni RD Babagay.

Source: https://www.facebook.com/share/v/1K9nEJQ5L4/

Leave a Reply