33 Wanted Persons, naaresto sa tatlong araw na Project “Huli-Ween” Operation ng Rizal PNP

0
34
Screenshot

Umabot sa 33 wanted persons ang naaresto ng Rizal Police Provincial Office (PPO) sa loob ng tatlong araw na pinaigting na operasyon na tinaguriang Project “Huli-Ween,” na isinagawa mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, 2026, bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa mga indibidwal na may kinakaharap na kaso at nagtatago sa batas.

Batay sa consolidated accomplishment report, 13 sa mga naaresto ay kabilang sa Most Wanted Persons (MWP), habang 20 naman ang Other Wanted Persons (OWP). Nanguna ang Binangonan Municipal Police Station (MPS) na may pitong naaresto, sinundan ng Antipolo Component City Police Station na may lima at Rodriguez MPS na may apat. Naitala rin ang mga pag-aresto sa iba pang himpilan ng pulisya sa lalawigan.

Sa pamamagitan ng sabayang pagpapatupad ng mga warrant of arrest, layunin ng Project “Huli-Ween” Operation na matiyak na ang mga indibidwal na may kinakaharap na kaso ay haharap sa kaukulang proseso ng batas at mananagot sa kanilang mga krimeng nagawa.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Rizal PPO sa mga residenteng nagbibigay ng mahalagang impormasyon at nakikipagtulungan sa mga awtoridad. Kinikilala rin nito ang dedikasyon at sakripisyo ng mga operatiba na walang pagod na nagsagawa ng manhunt operations, nagpatuloy sa pagtugis sa mga target alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Patuloy naman ang panawagan ng Rizal PPO sa ilalim ng pamumuno ni PCol Eleazar R Barber Jr., Provincial Director, sa publiko na hindi titigil sa pakikipagtulungan at pagbabahagi ng mapagkakatiwalaang impormasyon sa mga awtoridad upang sama-samang mapanatili ang kapayapaan, kaligtasan, at kaayusan sa buong lalawigan.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1HGq8dsMXo/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply