Rank 10 Regional Most Wanted Person sa kasong paglabag sa R.A. 7610, arestado ng PNP sa Naga City

0
287

Matagumpay na naaresto ng mga miyembro ng Police Station 1 ng Naga City Police Office (CPO) ang isang indibidwal na kabilang sa Rank 10 Regional Most Wanted Person sa isinagawang operasyon dakong 9:00 ng umaga noong Nobyembre 1, 2026, sa Zone 1, Barangay San Vicente, Pamplona, Camarines Sur.

Pinangunahan ni PMaj Rowena B Lim, Station Commander ng Police Station 1, ang operasyon sa tulong ng mga warrant officer, intelligence personnel, at WCPD investigator, katuwang ang City Intelligence Unit (CIU) at City Mobile Force Company (CMFC) Tracker Team.

Naisakatuparan ang pag-aresto sa bisa ng Warrant of Arrest kaugnay ng pitong bilang ng kasong paglabag sa Section 5(b), Article III ng Republic Act No. 7610. Inilabas ang warrant ng Family Court, Regional Trial Court (RTC) Branch 6, Naga City, noong Oktubre 9, 2026, na may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng Php1.4 milyon.

Matapos ang pag-aresto, agad na ipinaalam sa akusado ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan. Dinala siya sa Police Station 1 para sa dokumentasyon at kaukulang proseso, gayundin sa Naga City General Hospital para sa medical examination. Sa kasalukuyan, nananatili siya sa kustodiya ng nasabing himpilan habang isinasagawa ang mga kinakailangang legal na hakbang.

Patuloy namang pinaiigting ng Police Station 1 ang mga operasyon laban sa mga wanted person bilang bahagi ng kanilang kampanya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, maipatupad ang batas, at matiyak ang kaligtasan ng publiko. Muling ipinapakita ng matagumpay na operasyon ang dedikasyon ng kapulisan sa pagtugis sa mga indibidwal na may kinakaharap na kaso at sa pagpapanatili ng seguridad sa komunidad alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Source: https://www.facebook.com/share/p/1A9u6h3W8H/

Leave a Reply