Patuloy na pinaiigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay at paghahatid ng serbisyo-publiko sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day ngayong ‘Undas “2026.” Naka-deploy ang mga kapulisan sa mga sementeryo, memorial park, transport terminal, at pangunahing lansangan upang umalalay sa publiko at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya, nakatuon ang mga pulis sa pamamahala ng daloy ng trapiko, pagbibigay ng agarang tulong, at maagap na pagtugon sa mga emergency. Sa pamamagitan ng pinaigting na police visibility at koordinasyon, layunin ng PNP na matiyak ang maayos na paglalakbay at ligtas na pagdalaw ng mga mamamayan sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang publiko na manatiling mapagmatyag, ingatan ang mga personal na gamit at tahanan, at sumunod sa mga alituntuning pangkaligtasan at trapiko. Hinikayat din niya ang lahat na agad iulat sa pinakamalapit na pulis ang anumang kahina-hinalang aktibidad o emergency at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan.
Tiniyak ng PNP na mananatiling nakabantay at handang maglingkod ang mga tauhan nito upang pangalagaan ang kaligtasan ng bawat mamamayan sa buong panahon ng Undas, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1HN85wmZvn/)

