Drug suspect, arestado ng PRO5; Php186K halaga ng hinihinalang shabu, nakumpiska sa Camarines Norte

0
368

Arestado ang isang 43-anyos na drug suspect na kinilalang regional recalibrated priority target sa kampanya kontra ilegal na droga ng Police Regional Office 5 (PRO5) sa isinagawang operasyon dakong alas 6:40 ng umaga noong Oktubre 29, 2026, sa Barangay Tugos, Paracale, Camarines Norte.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Paracale Municipal Police Station, katuwang ang Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit, at Camarines Norte 2nd Provincial Mobile Force Company, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Norte Provincial Office at PDEA Regional Office 5.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Ariel.” Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ang 12 heat-sealed na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 27.47 gramo at tinatayang standard drug price na Php186,796.

Isinagawa sa lugar ng operasyon ang pagmamarka, imbentaryo, at pagkuha ng mga larawan ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng naarestong indibidwal at ng mga kinakailangang saksi, alinsunod sa itinakdang proseso.

Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan. Dinala siya kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa Paracale Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Ayon kay PBGen Randy Glenn G. Silvio, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5), patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang mga operasyong nakabatay sa impormasyong nakalap at ang pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya upang matugunan ang ilegal na droga at maprotektahan ang mga komunidad sa buong Bicol Region.

Bilang bahagi ng PNP Focused Agenda, nananatiling nakatuon ang PRO5 sa paghahatid ng adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman” at sa pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa publiko upang labanan ang ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad.

Hinikayat din ng PRO5 ang mga mamamayan na manatiling mapagmatyag at magbahagi ng mahahalagang impormasyon sa mga awtoridad sa pamamagitan ng mga legal na pamamaraan, alinsunod sa panawagang, “Magtulungan po tayo, Komunidad, Mamamayan at KASUROG Cops, Laban sa Krimen.”

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Source: https://www.facebook.com/share/p/1Km43qwkEC/

Leave a Reply