Pormal na isinagawa ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) ang Send-Off Ceremony for Ligtas Undas 2026 noong Oktubre 29, 2026, sa Parade Grounds ng Camp MGen Licerio I. Geronimo sa Taytay, Rizal, bilang paghahanda sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day. Layunin ng aktibidad na matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang mapayapa at maayos na paggunita sa buong lalawigan.
Pinangunahan ni PCol Eleazar R. Barber Jr., Provincial Director ng Rizal PPO, ang seremonya, kasama ang mga kapulisan at mga kinatawan ng iba’t ibang katuwang na ahensiya. Kabilang sa mga dumalo ang Armed Forces of the Philippines–Philippine Army (AFP-PA), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Land Transportation Office (LTO), Department of the Interior and Local Government (DILG), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), mga lokal na pamahalaan, force multiplier, at iba pang katuwang na organisasyon.
Kabilang sa mga pangunahing layunin ng deployment ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga dadalaw sa mga sementeryo, pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko, pag-iwas sa mga gawaing kriminal, at pagbibigay ng agarang tulong sa mga mamamayang mangangailangan nito. Mahalaga rin ang koordinasyon ng mga nakatalagang tauhan upang matugunan ang mga posibleng insidente at iba pang pangangailangan ng publiko sa panahon ng Undas.
Hinihikayat ng Rizal PPO ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, sumunod sa mga alituntunin sa seguridad at trapiko, at agad na mag-ulat ng anumang kahina-hinalang gawain o insidenteng nangangailangan ng tulong ng kapulisan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga awtoridad at komunidad, layunin ng kapulisan na maisulong ang isang ligtas, mapayapa, at maayos na paggunita ng “Undas 2026.”
Source: Rizal PPO (https://www.facebook.com/share/p/1aNMhAn6cs/)

