Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Police Regional Office 13 (PRO13) at Philippine Army ang dating Vice-Commanding Officer at Political Adviser ng Communist Terrorist Group (CTG), na kilala sa alyas na “Kenny/Tikoy” at kabilang sa Top 4 Provincial Most Wanted Persons sa Purok 5, Villa Kananga, Butuan City, Lanao del Norte, noong Oktubre 17, 2026.
Ayon kay PBGen Rolindo M. Suguilon, Regional Director ng PRO13, pinangunahan ng mga tauhan ng Cagwait Municipal Police Station ang operasyon sa koordinasyon ng mga sundalo mula sa 36th Infantry Battalion at 4th Infantry Division ng Philippine Army.
Dinakip ang suspek sa bisa ng mga warrant of arrest para sa mga kasong frustrated Murder sa ilalim ng Criminal Case No. 19-3583, na may inirekomendang piyansang Php200,000; attempted murder sa ilalim ng Criminal Case No. 19-3585, na may inirekomendang piyansang Php120,000; at robbery sa ilalim ng Criminal Case No. 21-3903, na may inirekomendang piyansang Php48,000.
Nabatid na nagsilbi ang suspek bilang Vice-Commanding Officer ng Regional Operational Command, Political Adviser, at miyembro ng Regional Sentro de Grabidad (RSDG) ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC), na kumikilos sa mga lalawigan ng Surigao del Sur, Surigao del Norte, Agusan del Sur, at Agusan del Norte.
Binigyang-diin ni PBGen Suguilon na patuloy na paiigtingin ng PNP Caraga, katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, ang mga operasyon laban sa mga wanted na miyembro at tagasuporta ng CTG.
Layunin nitong mapanatili ang Stable Internal Peace and Security (SIPS) sa buong Caraga Region at maiwasan ang muling pag-usbong ng mga banta sa kapayapaan at seguridad sa anumang bahagi ng rehiyon.
Patuloy namang hinihikayat ng PRO 13 ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng mapagkakatiwalaang impormasyon na makatutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. https://www.facebook.com/share/p/1DgX4c2mdC/?

