Muling ipinakita ng mga tauhan ng Sorsogon Police Provincial Office (PPO) na ang tunay na serbisyo-publiko ay hindi lamang nasusukat sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, kundi maging sa kusang pagtulong at pagpapakita ng malasakit sa kapwa.
Sa gitna ng pagbabantay para sa ligtas at maayos na pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival noong Oktubre 17, 2026, agad na sumaklolo sina PEMS Ali Ferolino at PSSg Ryan Briones nang mapansin ang isang sasakyang nagkaaberya sa tapat ng Sorsogon Sports Arena, Brgy. Balogo, Sorsogon City.
Ayon sa ulat, hindi na umaandar ang sasakyan dahil sa mahinang baterya, kaya agad na umalalay ang dalawang pulis at tinulungan ang driver na maitulak ito upang makaalis sa lugar. Sa kabila ng kanilang pangunahing tungkulin na tiyakin ang kaligtasan ng mga bisita sa pista, hindi sila nag-atubiling magbigay ng agarang tulong sa mamamayang nangangailangan. Ang kanilang simpleng pagkilos ay nagpapakita ng pagkukusa, kahandaan, at malasakit na higit pa sa inaasahang tungkulin ng isang pulis.
Ang insidenteng ito ay sumasalamin sa diwa ng PNP Focused Agenda at ng Project Alagang KA-SU-ROG (Kapamilyang ituring ang komunidad; Suportang tapat at nararamdaman; Respondeng mabilis, Obligasyong may puso, at Gabay ng mamamayan), na isinusulong ni PBGen Randy Glenn G. Silvio, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5). Layunin ng inisyatibang ito na higit pang patatagin ang tiwala ng publiko at ugnayan ng kapulisan at komunidad sa pamamagitan ng maagap, tapat, at makataong paglilingkod.
Ipinakikita ng pangyayaring ito na ang tunay na diwa ng paglilingkod ay hindi lamang nasusukat sa malalaking sakripisyo, kundi maging sa maliliit na gawa ng kabutihan na may positibong epekto sa buhay ng kapwa. Sa bawat kusang pagtulong at malasakit na ipinakikita ng mga Kasurog Cops, higit na pinatitibay ang tiwala ng mamamayan at adbokasiya ng PNP ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Source: https://www.facebook.com/share/p/1QrDFFqWEN/
Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

