Php680K halaga ng hinihinalang shabu, nakumpiska mula sa isang suspek sa Legazpi City

0
135

Arestado ang isang drug personality na sangkot umano sa ilegal na kalakalan ng droga sa isinagawang joint buy-bust operation noong Oktubre 4, 2026, na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang Php680,000 halaga ng hinihinalang shabu sa Legazpi City, Albay.

Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagtutulungan ng PDEA Albay Provincial Office bilang lead unit, katuwang ang PDEA Regional Office V, Regional Maritime Unit 5, Coast Guard Intelligence Unit Albay, Provincial Intelligence Unit, at Legazpi City Police Station.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Marky,” 38-anyos, na nakumpiskahan ng dalawang knot-tied transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 100 gramo, na may tinatayang Standard Drug Price na Php680,000.

Pinuri naman ni PBGen Randy Glenn G. Silvio, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5), ang mga operatibang yunit dahil sa mabilis na pagkilos, mahigpit na koordinasyon, at determinasyon sa pagtugis sa mga sangkot sa ilegal na droga.

“Hindi tayo titigil. Patuloy nating tutugisin at papanagutin ang mga sangkot sa illegal drugs. Ang bawat matagumpay na operasyon ay isang hakbang para maprotektahan ang ating mga komunidad at mailayo ang ating mga kabataan sa kapahamakan,” pahayag pa ni PBGen Silvio.

Patuloy namang isinusulong ng PRO5 at mga katuwang na ahensya ang PNP Focused Agenda sa pamamagitan ng pinaigting na law enforcement at inter-agency collaboration upang makapaghatid ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” at mapanatiling ligtas ang mga mamamayan ng Bicol Region

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply