Php121K halaga ng hinihinalang shabu, kumpiskado sa buy-bust operation ng Binangonan MPS; 3 indibidwal, arestado

0
143

Arestado ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ng mga operatiba ng Binangonan Municipal Police Station (MPS) matapos ang matagumpay na buy-bust operation na nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng 17.8 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang Php121,040 nito lamang gabi ng Oktubre 3, 2026 sa Brgy. Tayuman, Binangonan, Rizal.

Kinilala ang mga naaresto sa kanilang mga alyas na sina “Sadam,” 35 anyos; “John Rey,” 32 anyos; at “Emma,” 44 anyos, pawang nasa hustong gulang at mga residente ng Binangonan, Rizal.

Isinagawa ng Municipal Drug Enforcement Team (MDET) ng Binangonan MPS ang operasyon na may koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek at pagkakarekober ng 5 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Bukod dito, nakumpiska rin sa operasyon ang isang itim na coin purse, 5 na Php100 bill na pinaniniwalaang drug money, isang itim na cellular phone, at 1 Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money.

Ang mga naarestong suspek ay sasampahan ng kaukulang kaso sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy namang pinaiigting ng Rizal Police Provincial Office ang kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng intelligence-driven operations, mahigpit na koordinasyon sa mga katuwang na ahensya, at aktibong pakikipagtulungan sa komunidad—kaakibat ng B.E.S.T. Policing Framework: Be Visible, Engage Immediately, Serve Together, and Transform Trust ni PBGen Dominic L Baccay, Regional Director PRO 4A at sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: Rizal PPO Public Information Office

Leave a Reply