Php153K halaga ng hinihinalang shabu at baril nakumpiska ng PRO12; suspek, arestado

0
203

Isang lalaki ang naaresto ng Police Regional Office 12 (PRO12) matapos makumpiska ang humigit-kumulang 22.6 gramo ng hinihinalang shabu at isang hindi lisensiyadong baril sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Brgy. Villamor, Esperanza, Sultan Kudarat, madaling araw ng Sabado, Setyembre 19, 2026.

Isinagawa ng mga tauhan ng Esperanza Municipal Police Station (MPS), katuwang ang 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company at Sultan Kudarat Police Drug Enforcement Unit/Police Intelligence Unit, ang pagpapatupad ng mga Search Warrant para sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Dakong alas 2:15 ng madaling araw nang isagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Tomi,” nasa hustong gulang at residente ng naturang lugar.

Narekober sa isinagawang paghahalughog ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang bigat na 22.6 gramo at Standard Drug Price na PhP153,680. Nasamsam din ang isang .38-caliber revolver na walang serial number, na may lamang tatlong bala, gayundin ang ilang drug-related paraphernalia kabilang ang limang lighter, isang bamboo stick, isang Berlin pack, at isang glass tube tooter.

Nasa kustodiya na ng Esperanza MPS ang naarestong suspek habang dinala naman sa Sultan Kudarat Provincial Forensic Unit sa Isulan ang mga nakumpiskang hinihinalang droga para sa laboratory examination.

Samantala, inihahanda na ang kaukulang reklamo laban sa suspek para sa posibleng paglabag sa R.A. 9165 at R.A.10591.

Patuloy namang paiigtingin ng PRO12 at mga katuwang na yunit ang kanilang operasyon laban sa ilegal na droga at mga paglabag sa batas ukol sa baril upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lugar. Iginiit ng pulisya ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko sa pamamagitan ng agarang pag-uulat sa mga kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga at krimen.

Leave a Reply