Menor de edad na sangkot sa Online Threat, sumailalim sa intervention sa Lambayong, Sultan Kudarat

0
164

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Lambayong Municipal Police Station (MPS) matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y online threat laban sa Kapingkong National High School sa Lambayong, Sultan Kudarat, madaling-araw ng Setyembre 21, 2026.

Batay sa inisyal na impormasyon ng pulisya, dakong alas 1:20 ng madaling-araw nang makatanggap ang Lambayong MPS ng ulat hinggil sa mga Facebook post na umano’y naglalaman ng banta ng pamamaril sa nasabing paaralan. Sinasabing may kasama ring mga pahayag na nagbabanta at mga larawan ng mga baril ang naturang mga post.

Sa isinagawang pagtugon, natukoy ang isang 13 anyos na menor de edad na umano’y may kaugnayan sa nasabing online posts. Isinailalim siya sa intervention at pansamantalang ipinagkatiwala sa kanyang guardian.

Dinala ang menor de edad, kasama ang kanyang guardian, sa barangay hall kung saan siya isinailalim sa counseling upang maipaliwanag ang posibleng epekto at kahihinatnan ng kanyang mga ginawa.

Nagbigay rin ng kaukulang counseling at suporta ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa menor de edad at sa kanyang guardian.

Samantala, patuloy na mino-monitor ng pulisya ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng paaralan at lokal na pamahalaan upang maiwasan ang anumang posibleng insidente at matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at school personnel.

Binigyang-diin ni Police Regional Office 12 Regional Director PBGen Alan B. Manibog ang kahalagahan ng maagap na pag-uulat sa kapulisan at responsableng paggamit ng social media, lalo na sa mga post na maaaring magdulot ng banta sa kaligtasan ng publiko.

“Agad nating inaaksyunan ang anumang banta sa kaligtasan ng ating mga paaralan at mga estudyante. Hinihikayat natin ang mga magulang, guro, at komunidad na agad i-report sa pulisya ang anumang kahina-hinalang online post o banta upang maagapan at mapigilan ang anumang posibleng insidente,” ani PBGen Manibog.

Source: PNP PRO 12 (https://www.facebook.com/share/p/19a9QoVrdQ/)

Leave a Reply