Mahigit Php7.2M halaga ng hinihinalang ilegal na droga, nakumpiska ng PRO CAR; Drug personality, arestado

0
41

Nakumpiska ang kabuuang Php7,222,712 halaga ng ilegal na droga at naaresto ang isang drug personality sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operations ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) sa Mountain Province at Benguet nito lamang September 14, 2026.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng marijuana eradication operation ang Sadanga Municipal Police Station (MPS), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU), Provincial Community Affairs and Development Unit, at Provincial Legal Office ng Mountain Province Police Provincial Office (PPO); Regional Mobile Force Battalion 15 (RMFB15); at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Mountain Province. Nadiskubre ang 36,000 fully grown marijuana plants na may Standard Drug Price (SDP) na Php7,200,000 sa boundary ng Saclit, Sadanga, Mountain Province at Buscalan, Tinglayan, Kalinga.

Kaagad na binunot at sinunog ang mga nadiskubreng marijuana plants, habang patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng plantasyon sa mga kalapit na lugar at mapanagot ang mga nasa likod ng ilegal na pagtatanim ng marijuana.

Samantala, isang 31 anyos na lalaki ang naaresto sa buy-bust operation na isinagawa ng Mankayan MPS, PDEU, PIU, at 1st Benguet Provincial Mobile Force Company ng Benguet PPO, katuwang ang Regional Intelligence Unit-14 (RIU-14), RMFB15, Regional Intelligence Division ng PRO CAR, at PDEA-CAR sa Brgy. Guinaoang, Mankayan, Benguet.

Naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 0.65 gramo at SDP na Php4,420 sa isang operatiba na nagpanggap bilang poseur buyer. Nakumpiska rin mula sa suspek ang isa pang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 2.69 gramo at SDP na Php18,292, para sa kabuuang halagang Php22,712 ng nakumpiskang hinihinalang shabu.

Patuloy na pinaiigting ng PRO CAR ang mga operasyon laban sa hinihinalang ilegal na droga sa buong rehiyon upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan ng mga komunidad. Hinihikayat naman ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga komunidad, bilang bahagi ng pagsusulong ng PNP sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP Police Regional Office CAR

Leave a Reply