Nagbalik-loob ang isang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) at isinuko ang isang rifle at bala sa Sitio Alyeng, Brgy. Sapu Masla, Malapatan, Sarangani Province dakong 10:00 ng umaga noong Setyembre 4, 2026.
Kinilala ni Police Brigadier General Alan B Manibog, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang sumuko na isang 35 anyos na magsasaka at sinasabing miyembro ng binuwag na GF 71, FSMR, NPSRL.
Nabatid na kusang-loob nitong isinuko ang isang Springfield rifle na na-convert bilang M14 rifle na walang serial number, isang magazine, at dalawang bala.
Pinangunahan ang pagsuko sa pamamagitan ng magkakaugnay na operasyon ng Malapatan Municipal Police Station, 1st Sarangani Provincial Mobile Force Company, Sarangani Police Intelligence Unit, MLET Malapatan, Regional Intelligence Unit 12, at Alpha Company ng 73rd Infantry Battalion ng Philippine Army.
“Ang bawat pagsuko ay isang pagkakataon para magsimula muli at makabalik sa mapayapang pamumuhay. Patuloy nating hikayatin ang mga naliligaw ng landas na samantalahin ang pagkakataong ito at piliin ang kapayapaan kaysa karahasan,” pahayag ni PBGen Manibog.



