21 Wanted Persons, arestado sa pinaigting na manhunt operations ng PRO6 sa loob ng 24 oras

0
76
Screenshot

Dalawampu’t isang wanted persons, kabilang ang dalawang Most Wanted Persons (MWPs), ang naaresto ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa sunod-sunod na manhunt operations sa buong Western Visayas sa loob lamang ng 24 oras, mula alas 6:00 ng umaga noong Setyembre 3 hanggang alas 5:59 ng umaga noong Setyembre 4, 2026.

Sa kabuuang bilang, dalawa ang MWPs, isa sa Provincial Level at isa sa Municipal Level, habang 19 naman ang Other Wanted Persons.

Ang sunod-sunod na pagkakaaresto ay resulta ng patuloy na pagpapatupad ng mga warrant of arrest, mas pinaigting na intelligence gathering, at koordinasyon ng mga police units sa pagtugis sa mga indibidwal na may kinakaharap na kaso sa batas.

Binigyang-diin ni Police Brigadier General Randulf T Tuaño, Regional Director ng PRO6, na mananatiling tuloy-tuloy ang kanilang operasyon laban sa mga wanted persons sa rehiyon bilang bahagi ng PNP Focused Agenda alinsunod sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”

“Ang pagkakaaresto sa 21 wanted persons sa loob lamang ng 24 oras ay nagpapakita ng ating tuloy-tuloy at koordinadong pagtugis sa mga taong may pananagutan sa batas. Patuloy nating paiigtingin ang intelligence-driven manhunt operations upang maiharap sila sa hukuman at matiyak na naipatutupad ang hustisya,” pahayag ni PBGen Tuaño.

Pinasalamatan din ng Regional Director ang publiko sa patuloy na pakikipagtulungan at pagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa mga awtoridad.

“Mahalaga ang suporta ng ating mga komunidad. Hinihikayat natin ang publiko na patuloy na magbigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga wanted persons. Ang bawat impormasyong ibinabahagi ay malaking tulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa ating mga komunidad,” dagdag pa niya.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1EpfFM1tPA/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply