Kusang isinuko ng limang miyembro ng Indigenous Peoples (IP) ang dalawang improvised 12-gauge shotgun na walang bala sa Lokal na Pamahalaan ng Tampakan at sa tauhan ng Tampakan Municipal Police Station (MPS), noong Agosto 28, 2026, dakong 10:30 ng umaga sa Tampacan, South Cotabato.
Isinagawa ang turnover sa koordinasyon ng 1205th Regional Mobile Force Battalion 12 at 39th Infantry Battalion ng Philippine Army at sinaksihan ito ni Police Colonel Isralene Z Lauren, Acting Provincial Director ng South Cotabato Police Provincial Office, at ni Hon. Leonard T. Escobillo, Municipal Mayor ng Tampakan.
Nangyari ang boluntaryong pagsuko kasunod ng mga ulat na kumalat sa social media hinggil sa umano’y presensya ng mga armadong indibidwal sa paligid ng Brgy. Kimlawis, Davao del Sur.
Sa isinagawang beripikasyon, napag-alamang hindi miyembro ng New People’s Army (NPA) ang mga naturang indibidwal kundi mga miyembro ng isang Indigenous Peoples’ group na nagsagawa ng pamamagitan sa mga alitang tribal at tumutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mga katutubong komunidad sa tri-boundary areas ng South Cotabato, Davao del Sur, at Sultan Kudarat.
Patuloy ang PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan upang makamit ang kaunlaran na naaayon sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



