Kusang isinuko sa mga awtoridad ang isang caliber .45 pistol na paso na ang lisensya matapos isagawa ang Oplan Katok ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 12–1201st Maneuver Company, katuwang ang General Santos City Police Station 5 at Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa Brgy. Tambler I, General Santos City, noong Agosto 27, 2026.
Sa pangunguna ni Police Major Jerie Mae A De Leon, Station Commander ng General Santos City Police Station 5, tinungo ng mga awtoridad ang mga lugar na sakop ng kanilang area of responsibility upang matukoy ang mga rehistradong may-ari ng baril na paso na ang lisensya at paalalahanan hinggil sa kanilang mga legal na pananagutan sa ilalim ng mga umiiral na batas at regulasyon sa armas.
Sa isinagawang maayos na pakikipag-usap sa isang firearm owner, kusang ipinagkatiwala nito ang caliber .45 pistol na may expired na lisensya para sa safekeeping at kaukulang disposisyon.
Opisyal na tinanggap ng awtorisadong personnel ng operating unit ang naturang baril at inilagay sa kanilang kustodiya habang hinihintay ang turnover nito sa Regional Civil Security Unit 12.
Ipinakita ng matagumpay na operasyon ang kahalagahan ng kooperasyon ng mga awtoridad, responsableng pagmamay-ari ng baril, at pakikiisa ng komunidad upang maiwasan ang posibleng maling paggamit at paglaganap ng mga loose firearms.
Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang mga may-ari ng baril na regular na tiyakin ang bisa ng kanilang mga lisensya at pagpaparehistro, at makipag-ugnayan sa mga kinauukulang tanggapan para sa renewal, safekeeping, o legal na disposisyon ng kanilang mga armas.



