Php26.6M halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo, nakumpiska sa Escalante City; suspek, arestado

0
205

Nakumpiska ng mga tauhan ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO NIR) ang 447 master cases ng smuggled Cannon Menthol cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng Php26,613,100.00 sa isinagawang intelligence-driven operation sa Purok Cogon 1, Brgy. Alimango, Escalante City, Negros Occidental, noong Agosto 25, 2026.

Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “JC,” 29 anyos, at residente ng Sagay City. Isinagawa ang operasyon ng Regional Special Operations Group (RSOG), PRO-NIR, katuwang ang iba pang police units at support offices, matapos makatanggap ng intelligence information hinggil sa umano’y transaksyon ng mga ilegal na sigarilyo sa lugar.

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ang mga produktong may unauthorized tax seals at walang kinakailangang health warning graphic labels, na indikasyon ng paglabag sa umiiral na mga batas at regulasyon hinggil sa tobacco products. Agad namang isinagawa ang marking at inventory ng mga nakumpiskang produkto sa presensya ng suspek at mga saksi. Dinala ang mga ebidensya at ang naarestong indibidwal sa Escalante City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon, imbestigasyon, at disposisyon.

Ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng seryoso at tuloy-tuloy na pagsisikap ng Philippine National Police (PNP) na sugpuin hindi lamang ang iba’t ibang uri ng kriminalidad kundi maging ang ilegal na kalakalan na nakapipinsala sa mga lehitimong negosyo at nagkakait ng nararapat na kita sa pamahalaan.

Ayon kay PBGen Romano V Cardiño, Regional Director ng PRO NIR, malinaw ang mensahe ng naturang operasyon: hindi palalampasin ng PNP ang mga indibidwal at grupong sangkot sa illicit trade. Patuloy na palalakasin ng PRO-NIR ang intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya upang maprotektahan ang komunidad, mga lehitimong negosyo, at kita ng pamahalaan.

Bilang patuloy na pagtugon sa bawat banta sa seguridad at ilegal na kalakalan, isinusulong ng PNP ang adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” para sa isang mas ligtas, maunlad, at mapayapang Negros Island Region.

Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos

Leave a Reply