2nd Cagayan PMFC, naghatid ng tulong sa isang residente ng Mabuno, Gattaran na may karamdaman

0
232

Matagumpay na nakapaghatid ng tulong ang mga tauhan ng 2nd Maneuver Force Platoon (MFP), 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (CPMFC), sa isang residenteng nangangailangan ng agarang suporta sa Sitio Llaga, Barangay Mabuno, Gattaran, Cagayan, noong Agosto 23, 2026, sa kabila ng hirap ng paglalakbay at pagtawid sa ilog patungo sa liblib na lugar.

Sa pangunguna ni PLt Charlie M. Cagayan, Platoon Leader, natuklasan ng mga tauhan ang kalagayan ni Ginang Nena Butac habang nagsasagawa ng regular na prophylactic patrol sa lugar. Sa kanilang pakikipag-ugnayan, nalaman nilang hindi na siya makapagtrabaho dahil sa kaniyang iniindang karamdaman, dahilan upang mahirapan siyang matugunan ang kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan.

Agad na nakipag-ugnayan ang mga pulis sa Municipal Health Office (MHO) ng Gattaran upang makakuha ng mga kinakailangang gamot at bitamina. Katuwang ang mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Punong Barangay Hernes B. Ramos at mga Barangay Health Workers (BHW), personal na dinala at ipinagkaloob kay Gng. Butac ang isang sakong bigas, groceries, bitamina, at mga gamot para sa altapresyon.

Hindi naging hadlang ang pagtawid sa ilog at hirap sa lokasyon upang matiyak na mismong sa tahanan ni Gng. Butac, maihatid ang kinakailangang tulong, bilang patunay ng malasakit at dedikasyon ng mga tauhan ng 2nd Cagayan PMFC sa kanilang tungkulin.

Patuloy na isinusulong ng 2nd Cagayan PMFC ang serbisyong may malasakit at sinisikap na maabot maging ang mga liblib na pamayanan. Sa simpleng pagkilos na ito, pinatutunayan ng kapulisan na walang distansya o hamon sa lokasyon na makahahadlang sa tapat na paglilingkod at malasakit sa mamamayan, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP 2nd Cagayan PMFC

Leave a Reply