Hindi na nakalayo ang dalawang hinihinalang holdaper matapos ang mabilis na hot pursuit operation ng mga tauhan ng General Trias City Component Police Station (CCPS) na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto at pagbawi ng ilang gamit na tinangay sa isang motorista sa General Trias City, Cavite, madaling-araw ng Agosto 22, 2026.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa mga alyas na “Zorhab,” 40, at “Romer,” 44, kapwa residente ng General Trias City. Batay sa imbestigasyon, hinarang umano ng mga ito ang biktimang si alyas “Rish,” 24, matapos itong huminto sa Mayor’s Drive, Barangay Santiago dahil sa aberya ng kanyang sasakyan.
Habang sinusuri ng biktima ang sasakyan, dumating umano ang mga suspek sakay ng motorsiklo. Naglabas ng baril ang isa sa kanila at nagdeklara ng hold-up bago tangayin ang MacBook laptop, iPhone 13, susi ng Toyota Wigo, hard drive, at Seiko wristwatch na tinatayang nagkakahalaga ng Php76,000.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa pulisya at nagbigay ng mahalagang impormasyon hinggil sa mga suspek at getaway vehicle. Naging susi rin sa mabilis na pagtugon ng mga awtoridad ang pag-trace sa cellphone ng biktima sa Pabahay 2000, Tropical Village, dahilan upang agad na magsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Sector 5 ng General Trias CCPS.
Dahil sa maagap na pagkilos ng mga pulis, naabutan at naaresto ang dalawang suspek na positibong kinilala ng biktima. Narekober sa kanila ang MacBook, iPhone 13 at susi ng sasakyan, habang nakumpiska rin ang dalawang helmet at itim na Rusi motorcycle na sinasabing ginamit sa pagtakas. Nasamsam din ang isang Colt Combat Commander caliber .45 pistol, dalawang magazine at kabuuang walong bala ng caliber .45.
Ayon kay PBGen Dominic L. Baccay, Acting Regional Director ng PRO 4A, patunay ang matagumpay na operasyon sa kahalagahan ng agarang police response, koordinasyon at paggamit ng available na impormasyon sa paglutas ng krimen.
Nasa kustodiya na ng General Trias CCPS ang mga suspek para sa kaukulang proseso at pagsasampa ng mga nararapat na kaso. Ang matagumpay na operasyon ay kaakibat ng patuloy na pagsusulong ng PNP sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO 4A (https://www.facebook.com/share/v/18PvBumGJK/?mibextid=wwXIfr)



