Dalawang Top 5 Municipal Most Wanted Persons (MWP) ang naaresto, habang isang Top 5 City Most Wanted Person ang nasilbihan ng warrant ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa magkakahiwalay na mga operasyon sa lalawigan ng Iloilo noong Agosto 19, 2026.
Sa Barotac Nuevo, naaresto dakong 2:43 ng hapon si alyas “Jopay,” 31 taong gulang at residente ng Pototan, Iloilo, sa isinagawang operasyon ng Pototan Municipal Police Station Tracker Team. Siya ay kabilang sa Top 5 Municipal-Level Most Wanted Persons ng Pototan at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act No. 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Sa Guimbal, naaresto naman dakong alas 4:00 ng hapon si alyas “Sita,” 66 taong gulang at residente ng nasabing bayan, sa pangunguna ng Guimbal Municipal Police Station. Siya ay kabilang din sa Top 5 Municipal-Level Most Wanted Persons at nahaharap sa kasong Grave Oral Defamation, na may inirekomendang piyansang Php18,000.
Samantala, dakong 12:45 ng tanghali sa Pototan, naisilbi naman ang warrant laban kay alyas “Franco,” 40 taong gulang, kaugnay ng mga paglabag sa Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Siya ay kabilang sa Top 5 City Most Wanted Persons ng Iloilo City at kasalukuyang nakakulong sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology sa Barangay Nanga, Pototan. Isinagawa ang pagsisilbi ng warrant ng Iloilo City Mobile Force Company katuwang ang Iloilo City Police Station 1.
Binigyang-diin ni PRO6 Regional Director PBGen Randulf T Tuaño na ang kampanya laban sa mga wanted person ay hindi lamang nakatuon sa paghahanap sa mga nagtatago, kundi maging sa pagtitiyak na ang bawat warrant na inilabas ng hukuman ay maayos na naipatutupad.
“Tungkulin nating tiyakin na ang bawat warrant na inilabas ng hukuman ay maayos na naipatutupad, saanman matagpuan ang akusado. Ipinakikita ng mga operasyong ito ang patuloy na bisa ng ating intelligence gathering, tracking operations, at inter-unit coordination upang maiharap sa proseso ng hustisya ang mga taong may kinakaharap na kaso,” ani PBGen Tuaño.
Tiniyak naman ng PRO6 na hindi sila titigil sa pagpapatupad ng mga manhunt at tracking operation katuwang ang iba pang law enforcement unit at ang komunidad upang matunton ang mga wanted person at maiharap sila sa hukuman alinsunod sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Hinihikayat din ng pamunuan ang publiko na agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa Unified 911 ang anumang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga taong patuloy na pinaghahanap ng batas.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1C8nd9yLHD/?mibextid=wwXIfr



