Nagkaloon ng Php13.95M halaga ng iba’t ibang office at police equipment ang Philippine National Police Foundation, Inc. (PNPFI) sa Philippine National Police (PNP) sa isinagawang Deed of Donation signing at turnover ceremony noong Agosto 20, 2026, sa PNP Star Officers’ Lounge, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Kinatawan ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. si PLtGen Bernard M. Banac, Deputy Chief PNP for Administration, na lumagda sa Deed of Donation kasama si Atty. Karen Jimeno, Trustee ng PNPFI. Saksi sa seremonya sina PMGen Martin E. Defensor Jr., Director for Logistics, at Arch. Ka Kuen Chua, Trustee ng PNPFI.
Kabilang sa mga kagamitang ipinagkaloob ang mga teknolohiya, communication, security, mobility, at iba pang mahahalagang kagamitan na makatutulong sa pagpapalakas ng administrative at operational capabilities ng PNP. Ang suporta ay inaasahang makatutulong upang higit na maging episyente at epektibo ang mga tauhan sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin.
Binigyang-diin ng turnover ang patuloy na pakikipagtulungan ng PNPFI sa PNP sa pagpapalakas ng police capability at pagbibigay ng kinakailangang resources sa mga pulis, kaakibat ang PNP Focused Agenda tungo sa isang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO



