283 loose firearms, na-account ng PRO6 sa unang 15 araw ng Agosto; 226 boluntaryong isinuko

0
29
Screenshot

Umabot sa 283 firearms ang na-account ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa pinaigting na kampanya laban sa loose firearms sa Western Visayas mula Agosto 1 hanggang 15, 2026.

Batay sa accomplishment report, nagsagawa ang PRO6 ng 269 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 13 indibidwal, pagkakumpiska ng 17 firearms, boluntaryong pagsuko o turnover ng 226, at pagdeposito ng 40 firearms para sa safekeeping. Isang explosive device din ang nakumpiska, habang 49 explosives ang boluntaryong isinuko.

Nanguna ang Iloilo Police Provincial Office (IPPO) sa may bilang ng isinukong firearms na may 92, sinundan ng Antique PPO na may 38, Capiz PPO na may 32, Iloilo City Police Office na may 29, Regional Mobile Force Battalion 6 na may 18, at Aklan PPO na may 16.

Binigyang-diin ni PRO6 Regional Director PBGen Randulf T Tuaño na ang kampanya laban sa loose firearms ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas kundi maging sa paghikayat sa boluntaryong pagsuko ng mga armas.

“Ang ating layunin ay mailayo sa mga komunidad ang mga armas na maaaring magamit sa krimen at karahasan. Patuloy nating paiigtingin ang operasyon laban sa loose firearms habang hinihikayat ang mga may hawak ng hindi rehistradong armas na boluntaryong isuko ang mga ito. Sa pakikiisa ng bawat isa, mas mapapanatili nating ligtas at payapa ang ating mga pamayanan,” ani PBGen Tuaño.

Alinsunod sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” mas paiigtingin pa ng PRO6 ang operasyon laban sa loose firearms at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang maiwasan ang ilegal na paggamit ng mga armas at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa buong rehiyon.

Leave a Reply