Muling pinatunayan ng kapulisan ang kanilang mabilis at koordinadong pagtugon sa mga lumalabag sa batas matapos maaresto ang isang wanted person na nahaharap sa dalawang bilang ng estafa sa isinagawang joint police operation noong Agosto 7, 2026 sa Buguias, Benguet.
Bandang alas-2:40 ng hapon nang maaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 8, La Trinidad, Benguet, dahil sa hindi pagharap sa korte kaugnay ng dalawang bilang ng Estafa sa ilalim ng Article 315, Paragraph 2(d) ng Revised Penal Code.
Ang operasyon ay pinangunahan ng 102nd Maneuver Company, RMFB1, katuwang ang Buguias Municipal Police Station, Benguet Police Provincial Office, CIDG-Baguio City Field Unit, Cervantes Municipal Police Station, PIU-ISPPO, RIU1, at RID-PRO1.
Pinuri ni PCpt Oliver L. Gaspar, Assistant Company Commander ng 102nd Maneuver Company, ang pagtutulungan ng mga operating unit, na nagbigay-daan sa matagumpay na pagdakip sa akusado. “Patuloy nating paiigtingin ang ating operasyon laban sa mga wanted person. Sa pamamagitan ng matatag na koordinasyon at sama-samang pagkilos ng ating mga kapulisan, masisiguro nating mananagot sa batas ang mga taong umiiwas sa hustisya,” dagdag pa niya.
Matapos ang pag-aresto, agad na itinurn over ang akusado sa CIDG-Baguio City Field Unit para sa kaukulang kustodiya at dokumentasyon, at sa kalaunan ay ihaharap sa korte na nagpalabas ng warrant. Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na pagsusulong ng PNP sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” sa pamamagitan ng maagap na pagpapatupad ng batas, matatag na koordinasyon, at serbisyong nakatuon sa paghahatid ng hustisya.
Source: 102nd MC RMFB1



