Pinaigting ng pamunuan ng Davao City Police Office ang seguridad bilang bahagi ng paghahanda para sa matagumpay at maayos na pagdiriwang ng Kadayawan Festival 2026 noong Agosto 6, 2026 sa Davao City Police Office Parade Grounds, Camp Captain Domingo E. Leonor, San Pedro Street, Davao City.
Kaugnay nito, nagsagawa ng “Talk to Men” si Police Colonel Peter B Madria, City Director ng Davao City Police Office, kasama ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) na ipinadala bilang augmentation force para sa dagdag seguridad ng naturang selebrasyon.
Layunin ng pagpupulong na personal na makausap ang mga naka-deploy na kapulisan, magbigay ng gabay, at paalalahanan sa kahalagahan ng disiplina, pananagutan, at dedikasyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa buong pagdiriwang ng Kadayawan.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni PCol Madria ang mga tauhan na manatiling mapagmatyag sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad, gayundin ang pagpapakita ng paggalang at pagiging magalang sa pakikitungo sa publiko. Binigyang-diin niya na ang propesyonalismo, disiplina, at malasakit sa paglilingkod ang susi sa pagpapatibay ng tiwala ng mamamayan at sa matagumpay na pagdiriwang ng Kadayawan Festival.



