Rank 2 Regional Most Wanted Person sa kasong murder, arestado sa Masbate

0
18

Naaresto ng mga awtoridad ang Rank No. 2 Regional Most Wanted Person ng Police Regional Office 5 sa isinagawang manhunt operation sa ilalim ng CIDG Flagship Project na “Oplan Pagtugis” bandang alas-4:00 ng hapon noong Agosto 1, 2026 sa Barangay Miabas, Palanas, Masbate.

Kinilala ang suspek na si alyas “Jonald,” nasa hustong gulang at residente ng Cawayan, Masbate. Ang operasyon ay pinangunahan ng CIDG Masbate Provincial Field Unit sa pakikipagtulungan ng RIU/PIT5 Masbate, 94th Special Action Company ng 9th Special Action Battalion, Delta Company ng 2nd Infantry Battalion, Philippine Army, at Palanas Municipal Police Station.

Inaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 44, Masbate City para sa kasong Murder, na walang inirekomendang piyansa. Matapos ang pag-aresto, agad siyang dinala sa tanggapan ng CIDG Masbate Provincial Field Unit para sa wastong dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Pinuri ni Police Colonel Jefferson B. Araojo, Provincial Director ng Masbate Police Provincial Office (PPO), ang matagumpay na operasyon at ang mahusay na koordinasyon ng mga law enforcement at military units. Aniya, ang pagkakaaresto sa Top 2 Regional Most Wanted Person ay malinaw na patunay na walang ligtas na kanlungan ang sinumang nagtatago sa batas at patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang manhunt operations upang mapanagot ang mga taong pinaghahanap ng batas.

Patuloy namang hinihikayat ng Masbate Police Provincial Office ang publiko na makiisa sa kampanya laban sa kriminalidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong pinaghahanap ng batas. Ang aktibong pakikipagtulungan ng mamamayan ay mahalaga sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa buong lalawigan ng Masbate, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: https://www.facebook.com/share/p/1LVxdyxENa/

Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply