Php3.16M halaga ng hinihinalang shabu, nasabat ng PRO BAR; Tricycle driver arestado

0
95

Nasabat ng mga operatiba ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region ang tinatayang Php3.16 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Lilod Baklayan, Ditsaan Ramain, Lanao del Sur noong Biyernes, Hulyo 31, 2026.

Ayon kay Police Brigadier General Christopher M Abecia, Regional Director ng PRO BAR, naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit, Lanao del Sur Provincial Special Operations Group, Ditsaan Ramain Municipal Police Station, Lanao del Sur Provincial Intelligence Unit, 1st Lanao del Sur Provincial Mobile Force Company, at 1403rd Regional Mobile Force Battalion 14-A.

Napag-alaman na nakabili ang isang undercover na pulis at informant ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php500,000 mula sa mga suspek.

Kaya agad inaresto ang suspek na si alyas “Nahar,” 45 anyos, isang tricycle driver, residente ng Barangay Talub, Ditsaan Ramain, Lanao del Sur, habang pinaputukan ni alyas Alnor ang mga pulis habang tumatakas sa may gulayang parte, kaya napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba at tinamaan ang suspek, na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Narekober sa naturang operasyon ang nasa 466 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php3,168,800, buy-bust money; isang Honda XRM motorcycle; isang motorcycle na susi at dalawang lighters.

“Patuloy nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa ilegal na droga. Hindi tayo uurong sa pagpapatupad ng batas, ngunit sisiguraduhin natin na ang bawat operasyon ay isinasagawa nang propesyonal at naaayon sa batas. Sa tuwina, piliin nating maging mabuting tao.”

Source: PRO BAR

Panulat ni PMSg Grace Ortiz

Leave a Reply