Pinagtibay ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, Philippine National Police (PNP), ang kahalagahan ng mas matatag na koordinasyon at intelligence sharing sa pagtugon sa mga umuusbong na banta sa seguridad sa kanyang keynote message sa Closing Ceremony ng Improvised Explosive Device (IED) Threat and Security Symposium (ITSS) noong Hulyo 31, 2026 sa Boracay Island, Malay, Aklan.
Kasama niya sa programa sina PBGen Randulf T. Tuaño, Acting Regional Director ng Police Regional Office 6, at PBGen Arnold P. Ardiente, Acting Director for Intelligence, gayundin ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at mga international law enforcement partners.
Pinagtipon ng symposium ang 35 kalahok mula sa piling yunit ng PNP, mga law enforcement agency, institusyon ng pamahalaan, at mga pandaigdigang katuwang upang magbahaginan ng mga karanasan at pinakamahusay na kadalubhasaan sa larangan ng intelligence operations, bomb threat management, terrorism financing, emerging technologies, at pagtugon sa mga umuusbong na banta ng improvised explosive devices (IEDs).
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni PGen Nartatez ang mga kalahok na gamitin ang mga kaalamang kanilang natutunan sa pamamagitan ng information sharing, koordinasyon, at mas epektibong pagpapatupad ng mga operasyong pangseguridad. Binigyang-diin niya na ang sama-samang pagkilos at matatag na pakikipag-ugnayan ng mga lokal at internasyonal na katuwang ay mahalaga sa maagap na pagtukoy at paghadlang sa mga banta ng terorismo at iba pang transnational crimes.
Ang symposium ay umaayon sa PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na nagsusulong ng intelligence-driven policing, mas pinaigting na inter-agency cooperation, at pagpapalawak ng pandaigdigang pakikipag-ugnayan laban sa mga umuusbong na banta sa seguridad. Kaakibat din nito ang patuloy na pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” bilang gabay sa paghahatid ng maagap, propesyonal, at mapagkakatiwalaang serbisyo para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat mamamayan.
Source: PNP-PIO



