PRO CAR, pinarangalan at mainit na tinanggap ang mga security contingent sa naganap na SONA 2026

0
63

Pinarangalan at mainit na sinalubong ng Police Regional Office Cordillera (PRO CAR) ang mga security contingent na lumahok sa pagpapatupad ng seguridad para sa State of the Nation Address (SONA) 2026 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na programa sa Camp Major Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet ngayong Hulyo 28, 2026.

Pinangunahan ang programa ni Police Colonel Froiland B. Lopez, Officer-in-Charge at Deputy Regional Director for Operations ng PRO CAR, kasama sina PCol Arnold D. Razote, Officer-in-Charge, Chief Regional Staff, mga miyembro ng Regional at Special Staff, at iba pang mga tauhan ng PRO CAR. Layunin ng pagtitipon na kilalanin ang dedikasyon at natatanging paglilingkod ng mga kapulisan ng Cordillera na naatasang magbigay ng seguridad sa Metro Manila sa ginanap na ika-5 SONA sa Batasang Pambansa Complex.

Bilang pagkilala sa kanilang huwarang pagganap, iginawad ang PNP Commendation Medal (Medalya ng Papuri) sa mga kapulisang nagpakita ng natatangi at napakahalagang serbisyo sa mga operasyong panseguridad para sa SONA. Kabilang sa mga pinarangalan sina PLtCol Joey Jonathan B. Bagayao, Acting Force Commander ng Regional Mobile Force Battalion 15, para sa kanyang mahusay na pamumuno bilang Contingent Commander; PCpt Roman L. Tubadeza ng Mountain Province Police Provincial Office (PPO), dahil sa kanyang mahusay na paglilingkod bilang Company Commander; at PMSg Jordan Cris B. Cadwising ng Benguet PPO, bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang ambag bilang miyembro ng contingent.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni PC Lopez ang mga miyembro ng SONA Security Contingent sa kanilang ipinakitang propesyonalismo, disiplina, at paggalang sa karapatang pantao sa buong panahon ng kanilang deployment. Aniya, ang kanilang dedikasyon at kahandaan ang naging susi sa matagumpay at mapayapang pagpapatupad ng mga operasyong panseguridad sa isa sa pinakamahalagang pambansang kaganapan ng taon.

Binigyang-diin din ni PCol Lopez na ang matagumpay na pagganap ng mga tauhan ng PRO CAR sa SONA ay patunay ng kanilang mataas na antas ng kahandaan, koordinasyon, at kakayahang gampanan ang mandato ng Philippine National Police sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng publiko, maging sa loob o labas ng rehiyon ng Cordillera.

Muling pinagtibay ng PRO CAR ang patuloy nitong pangako na maghatid ng mahusay at makataong serbisyo sa pamamagitan ng disiplinado at propesyonal na pagpapatupad ng tungkulin, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: Police Regional Office CAR

Leave a Reply