Nagsagawa ang Police Regional Office-Negros Island Region (PRO NIR), ng “Pamilya ng Pulis” Program sa Saint Michael the Archangel Chapel, Negros Occidental Police Provincial Office (NOCPPO), Camp Alfredo M. Montelibano Sr., Brgy. Estefania, Bacolod City nito lamang ika-24 ng Hulyo 2026.
Pinangunahan ni PCol Jovito M. Atanacio, Chief, RPRMD, kasama sina PCPT Alexander R. Repaso, Officer-in-Charge, Chaplain Service, at PCPT Lyvie M. Libradilla, Chief, Moral Welfare Section, ang programa. Dinaluhan ito ng mga personnel ng Regional Headquarters kasama ang kanilang mga asawa at anak, gayundin ng iba pang mga tauhan ng PRO NIR.
Layunin ng programa na higit pang patatagin ang samahan ng bawat pamilyang pulis sa pamamagitan ng Family Enrichment Lecture, na tumatalakay sa kahalagahan ng matatag na ugnayan sa loob ng tahanan bilang pundasyon ng emosyonal na katatagan, positibong pananaw, at mas epektibong pagganap sa tungkulin ng bawat miyembro ng kapulisan.
Kasabay nito, pinagtibay din ng programa ang layunin ng SAFE NIR Program, na nagsusulong ng isang organisasyong nagbibigay-halaga sa kapakanan, kalusugan, at kabuuang pag-unlad ng bawat kawani.
Sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa morale at welfare, patuloy na hinuhubog ng PRO NIR ang isang hanay ng mga pulis na matatag ang loob, mataas ang dedikasyon, at tunay na handang maglingkod sa sambayanan.
Patunay ang “Pamilya ng Pulis” Program na ang tunay na pagbabago sa hanay ng kapulisan ay nagsisimula sa pag-aalaga sa mga taong nasa likod ng uniporme.
Sa pagpapalakas ng bawat pamilya ng pulis, higit na napagtitibay ang kakayahan ng organisasyon na makapaghatid ng de-kalidad na serbisyo at mapanatili ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayan.
Writer: Pat Andrea Dominique Depalubos



