Nasabat ang nasa Php487,890 halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa ikinasang joint checkpoint operation ng mga awtoridad sa Barangay Poblacion, Barira, Maguindanao del Norte nito lamang Hulyo 18, 2026.
Kinilala ni Police Captain Julius R. Caamud, Officer-in-Charge ng Barira Municipal Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Saadodin”, 33 anyos, driver; alyas “Abdulwahab”, 33 anyos; at alyas “Nawap”, 19 anyos, pawang mga residente ng Barangay Macao, Balabagan, Lanao del Sur na nahaharap sa kasong paglabag sa kasong Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act No. 10643 o ang Graphic Health Warnings Law.
Nabatid na narekober ang nasa 417 reams ng Canon Menthol na hinihinalang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng Php487,890 na karga mula sa isang gray Mazda BT-50 pickup truck na may plate number AAH 2427 at agad dinakip ang tatlong suspek dahil walang maipakitang kaukulang legal na dokumento at wala ring nakalagay na mandatory graphic health warnings.
Ang tagumpay na ito ay kaakibat din ng mga adhikain ng Philippine National Police na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, PNP.



