Arestado ang isang motorcycle taxi rider at nasabat ang nasa mahigit Php1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa kahabaan ng C6 Road in Barangay Lower Bicutan, Taguig City nito lamang gabi ng Hulyo 22, 2026.
Kinilala ni Police Brigadier General Glenn Oliver C Cinco, District Director ng Southern Police District, ang suspek na si alyas “Hassan,” 33 anyos, motorcycle taxi rider, residente ng Barangay Maharlika Village, Taguig City na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Narekober sa naturang operasyon ang nasa tatlong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 150 gramo, buy-bust money, isang .45-caliber pistol (Model 1911 AC Federal), isang magazine na may laman na limang bala, at brown sling bag.
Pinuri ni PBGen Cinco ang mga yunit na nagsagawa ng operasyon dahil sa matagumpay na pagkakasamsam ng malaking halaga ng ilegal na droga. Binigyang-diin nito na ang pagkakahuli sa suspek at pagkasamsam sa malaking halaga ng iligal na droga at baril ay direktang nakatutulong sa pagprotekta sa komunidad na naaayon sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Southern Police District



