Patuloy na pinaigting ng Cebu Police Provincial Office (Cebu PPO) ang pagpapatupad ng Safer Cities Initiative na nagresulta sa pagkakaaresto sa 558 indibidwal dahil sa paglabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa noong Hulyo 20, 2026.
Sa pangunguna ni PCol Abubakar U Mangelen Jr., nagsagawa ang mga himpilan ng pulisya ng 270 anti-criminality operations sa buong lalawigan.
Kabilang sa mga nahuli ang mga lumabag sa pagbabawal sa pag-inom ng alak at paninigarilyo sa pampublikong lugar, curfew para sa mga menor de edad, paggamit ng videoke lampas sa itinakdang oras, at mga lokal na ordinansa sa trapiko. Sa kabuuan, 389 ang pinagmulta habang 169 ang binigyan ng babala.
Ayon kay PCol Mangelen, layunin ng kampanya na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at disiplina sa mga komunidad sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas sa ilalim ng adhikain ng Philippine National Police na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Panulat ni Pat Flora Mae Asarez



