PBGen Baccay, inilatag ang B.E.S.T. leadership thrust sa PRO 4A

0
141

Inilatag ni Acting Regional Director PBGen Dominic Labbao Baccay ang kanyang B.E.S.T. – Service for a Better Community leadership thrust sa kanyang unang Flag Raising Ceremony bilang Acting Regional Director ng Police Regional Office 4A (PRO 4A) noong Hulyo 13, 2026 sa Camp BGen Vicente P. Lim, Calamba City, Laguna.

Dinaluhan ang seremonya ng mga miyembro ng Command Group, Regional Staff, Chiefs of Regional Support Units, at mga tauhan ng Regional Headquarters bilang simbolo ng pagkakaisa at panibagong sigla sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyong pulis sa CALABARZON.

Sa kanyang mensahe, inilarawan ni PBGen Baccay ang kanyang pagbabalik sa PRO 4A bilang isang makahulugang pag-uwi matapos ang kanyang panunungkulan noon bilang Deputy Regional Director for Operations. Hinikayat niya ang bawat kawani na higit pang paigtingin ang pagtutulungan, propesyonalismo, at malasakit sa publiko habang isinusulong ang iisang layunin na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Binigyang-diin din ng Acting Regional Director ang apat na pangunahing sangkap ng B.E.S.T.: Be Visible sa pamamagitan ng mas aktibong presensya ng pulisya sa komunidad; Engage Immediately sa maagap na pagtugon sa mga pangangailangan ng publiko; Serve Together sa pagpapatibay ng ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, partner agencies, at iba pang stakeholder; at Transform Trust sa pamamagitan ng tapat, propesyonal, at makataong paglilingkod. Ayon sa kanya, ang mga prayoridad na ito ay kaagapay ng Focused Agenda ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief, para sa mas ligtas na CALABARZON.

Kasabay ng seremonya, kinilala rin ang mga pulis na nagpakita ng natatanging dedikasyon, mahusay na pagganap sa tungkulin, at mahahalagang ambag sa mga programa ng PRO 4A sa pamamagitan ng paggawad ng Medalya ng Kadakilaan, Medalya ng Kagalingan, Medalya ng Papuri, at Medalya ng Kasanayan bilang pagkilala sa kanilang huwarang serbisyo.

Patuloy na isinusulong ng PRO 4A ang mga programang nagpapalakas sa kahusayan, pananagutan, at pagkakaisa ng hanay ng pulisya upang higit na mapaglingkuran ang publiko, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO 4A

Leave a Reply