Matagumpay na naikabit ang libreng Starlink internet sa Barangay Hall ng Brgy. Tanglagan, Gattaran, Cagayan noong Hulyo 2, 2026 sa ilalim ng Free WiFi for All Program ng DICT Region II, bilang mahalagang hakbang upang mapabuti ang konektibidad at paghahatid ng mga serbisyong pampubliko sa komunidad.
Nabigyang-daan ang nasabing proyekto sa pamamagitan ng kahilingan ng Revitalized Pulis sa Barangay (R-PSB) Team ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) na na-deploy sa Barangay Tanglagan sa loob ng anim na buwan noong nakaraang taon. Matapos matukoy ang kakulangan ng maaasahang internet connectivity sa lugar, isinangguni ng R-PSB Team ang kahilingan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) Region II, na siyang nagpatupad ng proyekto.
Sa pamamagitan ng libreng Starlink internet, inaasahang mapapabilis ang komunikasyon ng mga residente, mapapalawak ang kanilang access sa mahahalagang impormasyon, masusuportahan ang online learning ng mga mag-aaral, at mapapadali ang paggamit ng iba’t ibang online government services. Ang proyektong ito ay nagbigay ng malaking ginhawa sa mga mamamayan ng Barangay Tanglagan na matagal nang nakararanas ng limitado at mahinang internet connection.
Ang matagumpay na pagpapatupad ng proyektong ito ay patunay ng epektibong pagtutulungan ng PNP, DICT Region II, at ng lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad. Higit pa sa pagpapalawak ng internet connectivity, ito ay sumasalamin sa paghahatid ng ‘Serbisyong Nararamdaman’ tungo sa mas konektado, ligtas, at maunlad na pamayanan sa Bagong Pilipinas.
Source: 2nd Cagayan PMFC



