Pinuri ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, Philippine National Police (PNP), ang lahat ng kapulisan na nagbigay ng seguridad sa isinagawang White Ribbon Movement o Trillion Peso March nitong Linggo, Hunyo 28, 2026, na nagtapos nang mapayapa at maayos.
Sa kanyang mensahe sa Monday Flag Raising Ceremony ngayong Hunyo 29, sinabi ng PNp Chief na ang pagiging propesyonal, disiplinado, at mahinahon ng mga tauhan, kasama ang pakikipagtulungan ng publiko, ay patunay na maaaring mapangalagaan ang kapayapaan habang iginagalang ang karapatan ng bawat mamamayan sa mapayapang pagtitipon.
Ibinida rin ni PGen Nartatez ang mga naging tagumpay ng organisasyon sa kampanya laban sa ilegal na droga, pag-aresto sa mga wanted persons, at pagpuksa sa smuggling syndicates. Kabilang dito ang pagkakasamsam ng mga ipinuslit na sigarilyong nagkakahalaga ng Php82 milyon sa Cauayan, Isabela, Php25 milyon sa Iloilo, at Php11 milyon sa Davao. Aniya, malinaw itong patunay ng walang humpay na kampanya ng PNP laban sa mga organized criminal groups at sa pangangalaga sa ekonomiya ng bansa.
Pinuri rin ni PGen Nartatez ang matagumpay na operasyon ng mga pulis sa NLEX sa Bocaue, Bulacan, kung saan naharang ang isang grupong sangkot umano sa sunod-sunod na insidente ng nakawan bago pa makapambiktima ng iba. “Ito ang malinaw na patunay na ang mabilis na koordinasyon at maagap na pagkilos ay nakapagliligtas ng buhay at nakapipigil sa mas maraming krimen,” aniya.
Kasabay nito, inatasan ng PNP Chief ang lahat ng yunit ng pulisya na higit pang paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan, mga lokal na pamahalaan, mga magulang, at mga lider ng komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mas mataas na police visibility, mas pinaigting na mga programa sa pag-iwas sa krimen, at mas aktibong youth engagement upang maiwasan ang anumang banta sa loob at paligid ng mga paaralan.
Inihayag din ni PGen Nartatez na matapos ang masusing imbestigasyon, naghain na ang PNP ng kaukulang reklamo sa Department of Justice laban sa mga identified respondents sa pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athletes sa Dipaculao, Aurora dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 at iba pang umiiral na batas. Nagpasalamat din siya sa lahat ng tumulong sa imbestigasyon upang matiyak na maibibigay ang nararapat na hustisya sa mga biktima at kanilang mga pamilya.
Sa huli, binigyang-diin ng PNP Chief na ang bawat hakbang ng kapulisan ay naglalayong higit pang mapatatag ang tiwala ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.



