Dalawang suspek arestado; P28.6M halaga ng hinihinalang ilegal na sigarilyo nasamsam sa Puerto Princesa City, Palawan

0
150

Naaresto ang dalawang indibidwal at nasamsam ang P28.6 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na sigarilyo sa isinagawang anti-smuggling operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC) sa Puerto Princesa City, Palawan, noong June 9, 2026.

Ayon kay PBGen Christopher dela Cruz, Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA, naharang ang mga suspek sa kahabaan ng national highway sa Barangay Sta. Monica matapos umanong tangkain na iwasan ang isang law enforcement checkpoint.

Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng mga awtoridad laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa mga produktong walang kaukulang dokumento at buwis. Patuloy ring pinapalakas ng PNP ang koordinasyon nito sa iba pang ahensya upang sugpuin ang mga gawaing nakapipinsala sa ekonomiya at seguridad ng bansa.

Dinala sa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, habang isinailalim naman sa inventory at beripikasyon ang mga nakumpiskang sigarilyo.

Ang matagumpay na operasyon ay sumasalamin sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na naglalayong paigtingin ang pagpapatupad ng batas at tiyakin ang proteksyon ng mamamayan laban sa mga ilegal na gawain.

Leave a Reply