Tumanggap ang Philippine National Police (PNP) ng 60 body-worn camera units at iba pang kagamitan mula sa Public Safety Savings Loan Association Inc. (PSSLAI) upang mas mapahusay ang operational capability ng pulisya.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, makatutulong rin ang donasyong BWCs upang mapaigting ang transparency at accountability ng mga pulis sa kabila ng mga hinala at espekulasyon na ibinabato sa organisasyon sa mga nakaraang taon, lalo na sa kampanya kontra iligal na droga.
Ang mga body-worn camera ay ipamamahagi sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Anti-Cyber Crime Group (ACG), Anti-Kidnapping Group (AKG), PNP Drug Enforcement Group (PDEG) at PNP Integrity Monitoring Group (IMEG).
Bukod dito, nagbigay din ang PPSLAI ng isang (1) Toyota Innova, 10 computers, 13 printers, 11 scanners, tatlong (3) shredder at isang (1) photocopy machine.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si PGen Eleazar sa Board of Trustees at pamunuan ng PSSLAI sa pangunguna ni PSSLAI Chairman at CEO Atty. Lucas M. Managuelod.
“The continuous support of the PSSLAI to the PNP is a clear proof that they have been with us in achieving our goal not only improving our operational capability but also to improve our services to the Filipino people because this is what police service is all about—to win the trust and respect of our kababayan,” ani PGen Eleazar.
Hunyo ng kasalukuyang taon nang inilunsad ng PNP ang body-worn camera system kung saan 2,696 BWCs ang ipinamahagi sa 171 city police stations at offices sa buong bansa.
Bagamat 30,000 BWCs pa ang kailangan ng PNP para mabigyan lahat ng istasyon at yunit ng pulisya, nangako si PNP Chief na gagawin ng ahensya ang mandato nito sa abot ng kanilang makakaya upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan ng ating bansa.
#####
Article by Police Corporal Josephine T Blanche