Arestado sa ikinasang hot pursuit operation ng mga operatiba ng Tandag City Component Police Station ang lalaking suspek sa pagnanakaw matapos manloob sa Phoking Vietnamese Restaurant sa Barangay Telaje, Tandag City, Surigao del Sur nito lamang Hunyo 1, 2026.
Kinilala ni Police Colonel Jeffrey Lawrence D Mauricio, Provincial Director ng Surigao del Sur Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Nabe,” 23 taong gulang.
Naging mabilis ang pagresolba sa kaso matapos makuha ng pulisya ang CCTV footage na ibinigay ng may-ari at mga empleyado ng establisimyento.
Nabatid na nakuhanan ng CCTV ang aktwal na pangyayari ng krimen na naging daan upang positibong makilala ang suspek at narekober ang Php11,000 cash at isang MEGAPAD 12 tablet na nagkakahalaga ng Php8,000.
“Ang mabilis na tagumpay ng operasyong ito ay patunay ng aming matatag na paninindigan na panatilihing ligtas ang mga lansangan ng Surigao del Sur. Magsilbi sana itong mahigpit na babala sa mga lumalabag sa batas na ang inyong kapulisan ay mapagmatyag, may kakayahan, at handang kumilos anumang oras. Pinupuri rin namin ang komunidad at ang mga may-ari ng establisimyento sa kanilang pakikipagtulungan at paggamit ng CCTV technology na malaking tulong sa makabagong pagpapatupad ng batas.” ani ni PCol Mauricio.



