Matagumpay na nakiisa ang 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa isinagawang Serbisyo Caravan sa mga sitio ng Tabugan, Linawan, at Valley Cove sa Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan mula Mayo 29 hanggang Hunyo 2, 2026.
Pinangunahan ng Lokal na Pamahalaan ng Baggao, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ang nasabing aktibidad. Aktibo namang nakibahagi ang 1st Cagayan PMFC sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Major Abdel Aziz D. Maximo, Acting Force Commander, bilang suporta sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga residente ng mga liblib na komunidad.
Sa loob ng anim na araw na programa, nilakbay ng mga kalahok ang mahahabang ruta, matatarik na kabundukan, at mga ilog upang maabot ang mga mamamayan at maihatid ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan. Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang libreng konsultasyong medikal at pamamahagi ng gamot, relief distribution, serbisyo para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs), PhilSys registration, agricultural assistance, animal health services, first aid training, libreng tuli, fire safety information drive, environmental awareness campaign, at libreng gupit.
Nakiisa rin ang 1st Cagayan PMFC sa pagpapanatili ng seguridad sa buong aktibidad, pagtulong sa paghahatid ng mga serbisyo, at pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa kapayapaan at kaayusan, gayundin sa kampanya laban sa insurhensiya.
Sa pamamagitan ng Serbisyo Caravan, higit na naiparating sa mga mamamayan sa malalayong lugar ang mahahalagang serbisyo ng pamahalaan habang pinatitibay ang ugnayan at pagtutulungan ng kapulisan, mga ahensya ng gobyerno, at komunidad para adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: 1st Cagayan PMFC



