1st Cagayan PMFC, nakiisa sa kick-off ng Brigada Eskwela 2026 sa Tuguegarao City

0
153

Nakibahagi ang mga tauhan ng 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa isinagawang Brigada Eskwela 2026 Kick-Off Ceremony ng Cagayan National High School sa Tuguegarao City, Cagayan noong Hunyo 1, 2026, bilang bahagi ng kanilang patuloy na suporta sa mga programang pang-edukasyon at pangkomunidad.

Pinangunahan ni Police Major Ariel G. Cambri, Deputy Force Commander ng 1st Cagayan PMFC, ang pakikilahok ng kapulisan sa nasabing aktibidad na naglalayong ihanda ang paaralan para sa nalalapit na pagbubukas ng klase.

Kasama ng mga guro, magulang, lokal na opisyal, at iba pang mga boluntaryo, nakibahagi ang mga pulis sa iba’t ibang gawain sa paaralan bilang pagsasabuhay ng diwa ng bayanihan at bolunterismo. Ipinakita rin ng kanilang pakikilahok ang patuloy na malasakit ng kapulisan sa kapakanan ng mga mag-aaral at sa pagtataguyod ng ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral.

Layunin ng Brigada Eskwela na matiyak na handa, malinis, at ligtas ang mga paaralan bago ang pagsisimula ng klase. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor, mas napapalakas ang suporta para sa kalidad na edukasyon at kapakanan ng mga mag-aaral.

Patuloy namang pinagtitibay ng Philippine National Police, sa pamamagitan ng 1st Cagayan PMFC, ang kanilang pangako sa paglilingkod sa komunidad sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga programang nagtataguyod ng edukasyon, kaligtasan, at kaunlaran, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: 1st Cagayan PMFC

Panulat ni Pat Leinee Lorenzo

Leave a Reply