Php160K halaga ng ilegal na troso, nasamsam sa Occidental Mindoro; Dalawang indibidwal, naaresto

0
644

Dalawang indibidwal ang naaresto habang nasa humigit-kumulang Php160,000 halaga ng hinihinalang ilegal na troso ang nasamsam sa isinagawang joint anti-illegal logging operation ng Philippine National Police (PNP) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Sitio Masaya, Barangay Alacaak, Sta. Cruz, Occidental Mindoro noong madaling-araw ng Hunyo 1, 2026.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng koordinasyon ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO)-DENR Sablayan at ng Sta. Cruz Municipal Police Station (MPS), sa pamumuno ni PCpt Arnold S. Dayag, Officer-in-Charge, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na pagtotroso at iba pang paglabag sa mga batas pangkalikasan sa lalawigan.

Batay sa ulat, naharang ng mga operatiba ang isang ISUZU ELF closed van na bumibiyahe sa isang barangay road sa Sitio Masaya. Nang inspeksiyunin ang sasakyan, nadiskubre ang mga tablang kahoy na malugay. Nabigo umano ang mga sakay nito na magpakita ng mga kinakailangang dokumento tulad ng permit sa transportasyon, katibayan ng pagmamay-ari, at iba pang kaukulang papeles para sa mga produktong kagubatan.

Dahil dito, inaresto ang dalawang suspek para sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines. Nasamsam sa operasyon ang 50 piraso ng 2x6x20 malugay sawn lumber na may kabuuang 1,000 board feet at tinatayang halagang Php160,000.

Dinala ang mga naarestong indibidwal at ang mga nakumpiskang troso sa Sta. Cruz MPS para sa kaukulang dokumentasyon, wastong disposisyon ng ebidensya, at pagsasampa ng mga naaangkop na kaso.

Binigyang-diin ni PBGen Christopher R. Dela Cruz, Acting Regional Director ng PRO MIMAROPA, ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na koordinasyon sa pagitan ng mga law enforcement at environmental agencies upang maprotektahan ang mga kagubatan at likas na yaman ng rehiyon. Aniya, PRO MIMAROPA will continue supporting lawful, intelligence-driven, and environment-focused enforcement operations to protect our forests and natural resources, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO MIMAROPA

Leave a Reply