Muling pinatunayan ng Police Regional Office–Negros Island Region (PRO-NIR) ang kanilang matatag na paninindigan laban sa kriminalidad matapos maaresto ang No. 1 Most Wanted Person sa buong rehiyon sa isinagawang manhunt operation sa Purok Paho, Barangay Rizal, Silay City noong Mayo 28, 2026.
Sa pamamagitan ng masinsinan at intelligence-driven na operasyon ng Silay City Component Police Station sa ilalim ng Negros Occidental Police Provincial Office, matagumpay na naaresto ang suspek na kilala sa alyas na “Clar,” na matagal nang pinaghahanap ng batas dahil sa kinahaharap nitong anim na kaso ng Frustrated Murder at dalawang kaso ng Attempted Murder.
Ayon sa imbestigasyon, ang suspek ay kabilang umano sa mga nasangkot sa isang madugong insidente ng pamamaril na nag-ugat sa alitan ng magkabilang kampo sa panahon ng halalan. Ang naturang insidente ay ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng walong iba pa.
Ipinakita ng PRO-NIR ang kanilang propesyonalismo at mahigpit na pagsunod sa batas sa buong operasyon. Matapos maaresto, agad na ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan at isinagawa ang mga kinakailangang proseso alinsunod sa umiiral na mga patakaran. Gumamit din ang mga operatiba ng body-worn cameras upang tiyakin ang transparency, accountability, at wastong pagpapatupad ng operasyon.
Ang matagumpay na pagkakaaresto ay isa lamang sa mga patunay ng walang humpay na kampanya ng kapulisan laban sa mga nagtatago sa batas. Layunin ng mga ganitong operasyon na tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan, mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad, at maihatid sa hukuman ang mga taong may pananagutan sa batas.
Sa ilalim ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” patuloy na pinaiigting ng PRO-NIR ang kanilang mga operasyon upang walang kriminal ang makaligtas sa kamay ng batas. Ang tagumpay na ito ay nagsisilbing malinaw na mensahe na ang kapulisan ay nananatiling matatag, maagap, at nakatuon sa pagbibigay ng ligtas at mapayapang pamayanan para sa lahat.
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos



