Mahigit tatlong milyong pisong halaga ng shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Police Regional Office 5 (PRO 5) sa ikinasang anti-illegal drug operation ng Camarines Norte Police Provincial Office (CamNorte PPO) nitong Mayo 20, 2026 sa Barangay 1, Daet, Camarines Norte.
Pinangunahan ang operasyon ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) katuwang ang Daet Municipal Police Station, kapwa nasa ilalim ng Camarines Norte PPO, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa paglaganap ng ilegal na droga sa rehiyon.
Sa naturang operasyon, naaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina alias “Pao,” 56-anyos at tubong Makati City, at alias “AR,” 38-anyos at residente ng Las Piñas City. Ang dalawa ay kapwa kabilang sa talaan ng High-Value Individuals (HVI) dahil sa pagkakasangkot sa mga malawakan at maramihang distribusyon ng ilegal na droga.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 460 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na PhP3,128,000.00.
Samantala, pinuri ni PBGen Erosito N Miranda, Regional Director, PRO 5, ang matagumpay na operasyon ng mga operatiba at muling tiniyak ang tuloy-tuloy na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga sa rehiyon.
“Ang accomplishment na ito ay malinaw na pagpapakita ng ating patuloy na pagiging agresibo at mas pinaigting na kampanya ng PRO 5 laban sa ilegal na droga. Makatitiyak ang publiko na hindi titigil ang inyong kapulisan sa pagsasagawa ng mga operasyon at iba pang hakbang upang maprotektahan ang ating komunidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong Bicol Region,” saad pa ni PBGen Miranda.
Dagdag pa ng opisyal na bukod sa patuloy na anti-drug operations, paiigtingin din ng PRO 5 ang information at educational campaign laban sa ilegal na droga upang mapataas ang kamalayan ng publiko, lalo na ng kabataan, hinggil sa masamang epekto nito sa komunidad.
Nananatiling nakatuon ang PRO 5 sa implementasyon ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) sa ilalim ng PNP Focused Agenda upang higit pang mapalakas ang kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga sa buong rehiyon.
Patuloy rin ang yunit sa pagbibigay ng serbisyong “Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” para sa kaligtasan at seguridad ng lahat ng mga Bicolano.



