Serbisyong Mabilis: Taguig CPS, maagap na nailigtas ang batang biktima ng pang-aabuso

0
258

Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine National Police (PNP) tungkol sa pananakit sa isang tatlong taong gulang na bata sa Sitio Bagong Pag-Asa, Barangay Western Bicutan, Taguig City, matapos arestuhin ang isang 28-anyos na babae na umano’y responsable sa pananadyak at pananakit sa paslit.

Batay sa imbestigasyon ng Taguig City Police Station, napagbuntunan umano ng galit ng suspek ang anak ng kaniyang babaeng kinakasama matapos silang magkaroon ng mainitang pagtatalo. Ayon kay PCol Julius Añonuevo, hepe ng Taguig CPS, patuloy pang sinusuri ng pulisya ang pinagmulan ng insidente, kabilang ang posibilidad na nasa ilalim umano ng impluwensya ng alak ang suspek nang mangyari ang pananakit.

“Nagkaroon sila ng argument, nagtalo. Napagbuntunan ‘yung bata. Ongoing pa rin ‘yung investigation namin paano nag-start. Another thing, allegedly, under the influence of intoxicating liquor, itong LGBT,” ani PCol Añonuevo.

Dinala naman sa pagamutan ang bata at kasalukuyan nang nasa maayos na kondisyon. Sa tulong ng City Social Welfare and Development (CSWD), pansamantala itong nasa pangangalaga ng kaniyang tiyuhin habang patuloy ang pagproseso ng kaso.

Nakakulong na ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610. Inihahanda na rin ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa ina ng bata dahil sa umano’y pagkukulang sa pagprotekta sa sariling anak.

Patuloy ding hinihikayat ng PNP ang publiko na agad magsumbong sa mga awtoridad sakaling may namamataan o nalalamang pang-aabuso laban sa kabataan.

Sa ilalim ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” muling pinatunayan ng PNP ang matatag nitong paninindigan laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso, lalo na sa mga bata, upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat mamamayan.

Source: https://www.abs-cbn.com/news/nation/2026/5/19/babae-sa-taguig-arestado-sa-pananakit-sa-anak-ng-babaeng-partner-0851

Leave a Reply