Php228M halaga ng marijuana sa Kalinga, sinira ng PRO CAR sa loob ng dalawang araw

0
411

Muling ipinamalas ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang pinaigting nitong kampanya kontra iligal na droga matapos matagumpay na matuklasan at masira ang tinatayang Php228 milyong halaga ng marijuana sa lalawigan ng Kalinga noong Mayo 17 hanggang 18, 2026.

Batay sa ulat ng Regional Operations Division ng PRO CAR, natukoy ng mga operatiba ang sampung plantasyon ng marijuana na sumasaklaw sa humigit-kumulang 9.5 ektarya sa Mt. Chumanchil, Brgy. Loccong, Tinglayan, Kalinga. Umabot sa 1,140,000 fully grown marijuana plants ang nadiskubre sa lugar na itinuturing na isa sa mga pangunahing taniman ng marijuana sa Cordillera.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng OPLAN “Revisit Everest” sa pamumuno ni PBGen Ericson D. Dilag, Regional Director ng PRO CAR. Pinangunahan naman ni PCol Ledon D. Monte, Deputy Regional Director for Operations, kasama ang pinagsanib na puwersa ng iba’t ibang yunit ng pulisya at intelligence units sa Cordillera.

Matapos ang dokumentasyon, agad na binunot at sinunog sa mismong lugar ang mga natagpuang tanim na marijuana habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa ilegal na pagtatanim. Ipinakita ng mabilis na aksyon ng kapulisan ang dedikasyon ng PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at proteksyon sa mga komunidad laban sa panganib ng ilegal na droga.

Bilang simbolo ng pagbawi ng pamahalaan sa lugar mula sa ilegal na gawain, nagsagawa rin ng flag-raising ceremony ang mga operatiba at nagtanim ng mga punongkahoy kapalit ng mga winasak na tanim ng marijuana. Ayon kay PCol Monte, ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas ay nagpapakita na nananatiling kontrolado ng gobyerno ang lugar at hindi nito hahayaang masira ang kinabukasan ng susunod na henerasyon dahil sa ilegal na droga.

Sa tagumpay ng operasyong ito, muling pinatunayan ng PRO CAR ang matatag nitong paninindigan laban sa iligal na droga at kriminalidad sa rehiyon. Sa pamamagitan ng mas pinaigting na operasyon, koordinasyon, at pakikipagtulungan ng komunidad, patuloy na isinusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman” ang layunin ng isang ligtas, mapayapa, at drug-free na pamayanan sa buong Cordillera.

Source: PRO CAR

Leave a Reply