Muling pinatunayan ng mga pulis sa Northern Samar na ang tunay na serbisyo ay may kasamang malasakit at pag-aaruga sa komunidad matapos nitong matagumpay na naipaabot ang donasyong breastmilk para sa isang sanggol sa Catarman na nangangailangan ng agarang tulong nito lamang May 11, 2026.
Nagmula ang donasyong breastmilk kay Patrolwoman Maybelle Caballes ng 2nd Northern Samar Provincial Mobile Force Company, Pambujan, Northern Samar, kasama sina Patrolman Alex Allan Bonicarlo at dalawa pa nilang kasamahan.
Naging mahalaga rin ang tulong ng isang pribadong indibidwal na siyang nakipag-ugnayan sa Northern Samar Provincial Hospital upang mapadali ang pag-abot ng donasyon.
“This act of kindness reflects the true heart of public service. Ang malasakit ng ating mga pulis ay hindi nagtatapos sa pagpapatupad ng batas kundi umaabot hanggang sa pagtulong sa mga nangangailangan,” pahayag ni Police General Jose Melencio C Nartatez Jr., Chief, Philippine National Police (PNP).
“Our police officers continue to show that compassion and service go hand in hand. Sa mga ganitong pagkakataon, mas lalong napapalapit ang tiwala ng komunidad sa kanilang kapulisan,” dagdag pa ni PGen Nartatez.
Ipinapakita rin ng gawaing ito ang patuloy na pagpapatupad ng himpilan sa PNP Focused Agenda ng PNP, isang gabay tungo sa mas makatao, mas maaasahan, at mas makabuluhang serbisyo para sa mamamayan. Kabilang sa mga prayoridad nito ang Enhanced Managing Police Operations at Active Community Support na parehong naipamalas sa agarang pagtugon at sama-samang pagkilos ng mga pulis upang makatulong sa nasabing sanggol.
Habang patuloy na namang isinusulong ng PNP ang mga gawaing nagpapakita ng malasakit at pakikipagkapwa-tao sa komunidad, patuloy nitong tinitiyak sa publiko ang layunin ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



