PRO5, nakapaghatid ng 28,600 litro ng inuming tubig sa 10,775 residente sa Albay

0
1081
Screenshot

Sa loob ng pitong araw na tuloy-tuloy na operasyon ng water desalination, matagumpay na nakapamahagi ang Police Regional Office 5 (PRO 5) ng 28,600 litro ng inuming tubig para sa mga komunidad na naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Isinagawa ang operasyon mula Mayo 4 hanggang Mayo 11, 2026 sa pamamagitan ng Emergency Response Team (ERT) ng Regional Mobile Force Battalion 5. Layunin nito na tugunan ang agarang pangangailangan na magkaroon ng malinis at ligtas na inuming tubig para sa lahat ng mga residente sa mga apektadong lugar.

Sa kabuuan, aabot sa 10,775 mga residente mula sa iba’t ibang barangay sa Guinobatan, Albay ang nabigyan ng tulong. Kabilang sa mga pangunahing lugar na nabigyan ang Barangay San Rafael, Barangay Lower Binogsacan, at Villa Maria Subdivision sa Barangay Travesia, na patuloy na nakararanas ng epekto ng pagbuga ng abo mula sa bulkan.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na disaster response at humanitarian assistance ng PRO 5, na layuning makapaghatid ng agarang tulong sa mga komunidad sa panahon ng kalamidad. Ipinapakita rin nito ang patuloy na presensya ng PNP sa ground upang magbigay ng serbisyong mabilis, tapat, at tunay na nararamdaman ng mamamayan.

Sa pamumuno ni PBGen Erosito N Miranda, Regional Director, patuloy na isinusulong ng PRO5 ang mga programa at operasyon na naaayon sa PNP Focused Agenda, na naglalayong palakasin ang pagtugon sa sakuna at patatagin ang ugnayan sa komunidad para sa mas ligtas at handang mamamayan, kasabay ng misyon nitong panatilihing ligtas ang komunidad.

Leave a Reply