Nasabat ang tinatayang Php4,590,000 halaga ng hinihinalang shabu na nagresulta sa pagkakadakip ng isang High Value Individual sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Purok Masagana, Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City, Quezon Province noong gabi ng Mayo 1, 2026.
Kinilala ni Police Colonel Romulo A Albacea, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Charles,” 31 anyos at residente ng Brgy. Dongalo, Parañaque City, at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Narekober ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Lucena Component City Police Station at Quezon Maritime Police Station ang anim na heat-sealed transparent plastic bags at isang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 225 gramo na umaabot sa Php4,590,000, isang pirasong Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money at isang itim na sling bag.
“Hindi lamang ang dami ng droga ang sukatan ng tagumpay ng operasyon, kundi ang pagbawas ng panganib na maipasa ito sa ating mga komunidad. Ang bawat gramo na ating nakukumpiska ay katumbas ng mga buhay na naililigtas,” ani ni PCol Albacea.
Tiniyak naman ng PNP na hindi sila titigil sa pagpapatupad ng batas nang may propesyonalismo at pananagutan na naaayon sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



