Sa pagpapatuloy ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling, muling nagkasa ng magkahiwalay na operasyon ang PNP-Maritime Group sa Cebu at Iloilo, na nagresulta sa pagkakasamsam ng malaking halaga ng mga smuggled na sigarilyo noong Mayo 1, 2026.
Sa Cebu City, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Cebu City Maritime Police Station (MARPSTA), katuwang ang Regional Intelligence Unit 7, sa kahabaan ng Port Service Road, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang indibidwal na nahulihan ng humigit-kumulang 200 reams ng sigarilyo.
Samantala, sa Brgy. Población Zone II, Estancia, Iloilo, nagsagawa rin ng buy-bust operation ang Iloilo MARPSTA na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa isang tindera at pagkakasamsam sa iba’t ibang brand ng sigarilyo.
Sa kabuuan, umabot sa PhP415,658.00 ang halaga ng mga nasamsam na ebidensya mula sa dalawang magkahiwalay na operasyon.
Ang mga suspek at mga ebidensya ay dinala sa kani-kanilang himpilan ng Maritime Police para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng mga naaangkop na kaso, sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya tulad ng Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Department of Trade and Industry, at National Tobacco Administration.
Ang mga operasyong ito ay patunay lamang ng patuloy na pagpapatupad ng batas laban sa iligal na kalakalan bilang bahagi ng hangarin ng PNP sa ilalim ng mantrang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman”.



